Jodi Sta. Maria, binalikan ang panahon nang magsimula siyang muli sa showbiz matapos magkaanak
Inilahad ni Jodi Sta. Maria na matiyaga siyang naghintay para sa kaniyang “re-establishment” mula nang bumalik siya sa showbiz noong 2006. Ayon kay Jodi, na isang single mom, kailangang magtiis para sa kaniyang anak.
Sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Lunes, binalikan ni Jodi ang pagsisimula ng kaniyang showbiz career nang i-launch siya sa isang variety show noong 1998.
“Masaya na ako na nakita ako sa TV. Kasi ‘di ba kapag bata ka, ‘yun lang naman ang gusto mo, makita ka sa TV, makita ka ng mga kaklase mo, makita ka ng mga kapitbahay. ‘Yun lang talaga ang goal. Pero habang tumatagal siguro mas lumalaki ‘yung pangarap,” sabi ni Jodi.
Kalaunan, nangarap si Jodi na bumida sa isang regular show at pelikula at makatrabaho ang mga kilalang direktor.
“Siyempre pinangarap ko rin naman talaga na sumikat,” anang aktres.
Pag-alala niya, taong 2005 noong bini-build up na siya para maging isang leading lady.
“But then during that time, I chose love. So nagba-bye po ako sa Pilipinas at nagpakasal po ako sa Amerika,” sabi ni Jodi.
Pag-akala ni Jodi, mababalikan pa niya ang mga proyektong kaniyang naiwan noong umalis siya.
“A year later bumalik po ako ng Philippines, and then I told one of the BUH na, ‘Puwede ko bang mabalikan kung ano ‘yung mga proyekto na nakalaan na naiwanan ko?’ And then I remembered this person telling me, ‘Jodi it doesn’t work that way. You have to re-establish yourself.’”
Kaya naman kinailangan niyang maghintay para sa kaniyang break mula 2006 hanggang 2012.
“I’d say na masaya po ako kasi may work. But then I was also waiting kung kailan darating ‘yung time ko, gaano ba katagal ‘yung re-establishing ng sarili?”
Sa panahon ng kaniyang paghihintay, hindi naisip ni Jodi na sumuko para sa anak.
“Wala po akong choice kundi magpatuloy. Because during that time, single mother po ako. I need it to survive. Kailangan po para sa amin ng anak ko.”Sa ulat ng Pep.ph, sinabing ikinasal sina Jodi at Panfilo “Pampi” Lacson Jr., anak ng dating senador na si Panfilo Lacson, noong Marso 2005 sa Nevada, USA, at nagkaroon din sila ng civil wedding sa Parañaque noong Hunyo 2005.
Ngunit Marso 2011 nang maiulat ang kanilang hiwalayan, at 2013 nang mapabalitang nasa proseso na ng annulment ang kanilang kasal.
May isa silang anak na si Panfilo “Thirdy” Lacson III.– FRJ, GMA Integrated News