Carla Abellana kay Ruru Madrid sa ‘Black Rider”: ‘Napaka-professional, magalang siya’
Gaganap si Carla Abellana sa isang special role bilang mapagmahal na guro sa upcoming GMA Public Affairs action series na “Black Rider.” Ang aktres, labis ang papuri kay Ruru Madrid.
Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa 24 Oras nitong Biyernes, ipinasilip ang pagganap ni Carla bilang si Teacher Becky, kasabay ng pagdiriwang ng World Teachers’ Day nitong Huwebes.
Ayon kay Carla, hindi siya nagdalawang-isip na tanggapin ang role na guro na nagsisilbing pangalang magulang ng mga estudyante na bibihagin ng isang grupo ng sindikato.
“Maraming pagdadaanan ‘yung role ko bilang teacher, gagawin niya ang best niya na protektahan ‘yung tatlong estudyante niya, magkakaroon ng mga engkuwentro, maraming action scenes,” sabi ni Carla.
Habang nagte-taping, hindi naiwasang magkapasa si Carla sa tindi ng mga eksena pisikalan gaya ng sampal.
“Parte ng trabaho talaga na magkakaroon ka ng bruises or scratches or even injuries. Kung ako ay nakapag-yes ng napakaikli lang po, kahit paano may mga ganitong occupational hazard,” sabi ni Carla.
“Paano pa ‘yung regular cast. It just comes to show na hindi biro ‘yung trabaho, seryoso po sila, passionate sila sa trabaho nila, pinaghuhusayan nilang lahat, kaya intense kung intense, doon nakikita siyempre ‘yung pagka-action-packed ng show na Black Rider,” dagdag pa ng Kapuso actress.
Kaya dapat daw na abangan kung paano sila ililigtas ni “Black Rider” na si Ruru, na pinuri niya bilang katrabaho..
“Napaka-professional, magalang siya, he’s respectful. Of course ate ‘yung tawag niya sa akin, maalalay siya. Kahit busy siya sa mga eksena niya, sa mga linya niya, ‘yung blocking niya, ‘yun banghe makes sure na okay ka lang, kumportable ka,” sabi ni Carla.
Sa Nobyembre na mapapanood ang Black Rider sa GMA Telebabad!– Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News