Jolina, naglabas ng sama ng loob sa aksidente

MANILA — Inamin ng aktres na si Jolina Magdangal na sumama ang kanyang loob matapos na mabangga ang sinasakyan niyang SUV sa East Avenue, Quezon City nito lamang Lunes ng madaling araw.

Sa “Magandang Buhay” nitong Huwebes, ikinuwento ni Jolina ang aksidenteng nangyari sa kanya kasama ang asawang si Mark Escueta at tatlong taong gulang na anak nilang si Pele, habang patungo sila sa airport.

“Minsan mayroon pa din sa loob ko na hindi ko matanggap, bakit nangyari ito sa amin? Dahil ako talaga, kahit na madaling araw, basta stop light, kahit wala masyadong tumatawid, sinasabi ko sa aming driver na huwag idi-diretso, talagang kailangang huminto. So, parang ang sama ng loob ko na bakit may ibang hindi nag-iingat,” ani Jolina.

“Eh madaling araw ‘yon, papunta kami ng airport kasi nga birthday ng daddy ni Mark, 42nd anniversary ng mommy and daddy ni Mark, tapos sister niya birthday din. So hindi namin siya mapalagpas kasi nga parang reunion dahil taga-America ‘yung kapatid. Sabi ko okay first time ko mapapapunta si Pele sa Disney, tapos ganoon pa ‘yung nangyari,” dagdag ni Jolina.

Ayon sa aktres, ipinagpapasalamat niya ng malaki ay walang nangyaring masama sa kanyang anak.

“Kasi nung bumangga, wala kaming narinig na brake, biglang boom, ganoon. So akala namin may pumutok or what, tapos may nararamdaman ako na parang masakit dito sa ulo ko, ‘yun pala may bukol. Tapos niyakap ko na agad si Pele, saka ko lang sinabi kay Mark na may masakit sa ulo ko,” ani Jolina.

Ayon sa aktres, hindi na niya mahintay ang pagdating ng ambulansiya kaya nag-book na agad sila ng sasakyan patungong ospital dahil sa tumitindi na ang sakit ng kanyang ulo.

“Mabuti na lang safe din ‘yung CT scan at X-ray. At si Pele lang talaga ang iniisip namin. Kaya sabi namin ituloy na ‘yung (biyahe) buti na pa-rebook at itinuloy namin. So kahit na may mga masakit akong nararamdaman noong nasa Hong Kong kami, pero noong nakita kong nage-enjoy si Pele, ang saya ko,” ani Jolina.

Paalala ni Jolina, na huwag balewalain ang importansiya ng seat belt at car seat para sa mga bata tuwing bumibiyahe.

“Yun talaga ang ipinagpapasalamat ko, naging istrikto din kami sa car seat. Na kahit minsan trapik at gusto ni Pele pumunta (sa akin) hindi, hanggang wala sa bahay hindi siya iaalis ng car seat, hindi siya ikakandong or what,” ani Jolina.

Nagpaalaala din si Jolina sa mga driver na laging maging maingat para makaiwas sa aksidente lalo pa kapag inaantok.

“Kasi puwede pong nag-iingat ang ibang tao, pero (kapag kayo di nag-ingat) may mga tao kayong madadamay. May sakay pa naman siyang bata. So doon ako nahimasmasan, kasi galit na galit ako. Pero mas inintindi ko pa na ma-rescue siya,” ani Jolina.

Matatandaang sa report ng ABS-CBN News, sinabi ng driver ni Magdangal na si Orly Sebolino na kasalukuyang nakahinto ang sinasakyan nilang Mitsubishi Montero sa stoplight sa tapat ng Philippine Heart Center ng biglang salpukin ng puting Nissan Urvan.

Ayon sa sakay ng van na si Miriam Bondoc, papauwi na sila ng Makati nang napaidlip ang driver nila.

(Article from news.abs-cbn.com/entertainment)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

%d bloggers like this: